>Ang Buhay ay Parang Magkapatong na Lego

>Nagsimula ang lahat sa isang text message na natangap ko noong nagdaang sembreak (last year to) entitled “Famous Lines.” Hindi ko kilala kung sino ang nagpadala. Hindi nakarehistro ang kanyang numero sa aking phonebook. Nakapalooob sa mensahe, kagaya ng kanyang pamagat, ang iba’t ibang “Famous Lines,” at narito ang ilan: 

“Biktima rin ako ng Abortion!” 
-Balot 

“Hindi lahat ng dugo ay puwedeng i-donate!” 
-Regla 

“Bakit kung kailang kainitan at ako’y basang-basa ay saka mo ako ibibitin?” 
-Sinampay 

Ngunit sa kabila ng katatawanang dulot ng mensahe, isang linya ang tumatak sa aking isipan: 

“Kailangan akong pumatong sa iyo upang tayo ay makabuo” 
-Lego™

Lego™. Apat na taong gulang ako noong una akong magkaroon ng Lego™. Kung hindi ako nagkakamali ay regalo iyon ng assistant director ng opisina ng mga magulang ko, si Lolo Virtucio, para sa aking kaarawan. Tuwang-tuwa ako noon dahil may bago na akong mapapagkalibangan at sabihin na ring may kaunting “Yabang Factor” dahil sa aming magpipinsan, ako lang ang mayroong Lego™. 

Ang Lego™, para doon sa mga hindi nakakaalam (hindi ko alam kung uso pa ito sa mga kabataan ngayon) – dahil masyadong malungkot ang kabataan nila dahil wala silang Lego™ o dahil mas pinili nilang maging promoter ng death match ng mga gagamba dahil wala silang pambili ng Lego™– ay binubuo ng mga tila kahon na iba’t ibang kulay at iba’t ibang hugis at laki na yari sa plastic. Ang ibabaw nito ay may mga parang bilog na parang spikes ng sapatos at ang ilalim ay may mga butas kung saan ipapasok ang mga bilog na spikes kapag iyo silang pagpapatungin at pagdidikitin upang makabuo ng iba’t ibang pigura katulad ng mga gusali, sasakyan, at marami pang iba. 

Madali kong nakahiligan ang paglalaro ng Lego™. Palibhasa’y bago, lagi ko itong nilalaro. Nilalaro nito ang aking isipan upang maakabuo ng iba’t ibang uri ng pigura. Ang simpleng paglalaro ay humantong sa pagkahumaling, hanggang sa dumating sa puntong hindi na ako lumalabas ng bahay, makapaglaro lang ng Lego™. Hindi na ako nakikipaglaro sa mga pinsan at mga kababata ko, makapaglaro lamang ng Lego™. Kinain na ng Lego™ ang utak ko.

Pero katulad ng maraming mga bata, dumating ang puntong nagsawa din ako sa paglalaro ng lego. Isinantabi at binalewala. May mga dumadating kasing mga bagong laruan. Mas maganda at mas may katuturan kaysa doon sa mga nauna.

Habang ako’y tumatanda, nawala na sa isip ko ang paglalaro ng Lego™. Hanggang sa nabasa ko iyong text message tungkol sa magkapatong na Lego™.

Para bang bumalik yung pakiramdam ng isang batang sabik na sabik dahil may bago siyang laruan. Sinubukan kong hanapin yung luma kong Lego™ sa bahay. Sa kasamaang palad, hindi ko na ito nakita.

Hindi ko alam klung sadya lang malikot ang isip ko ngunit pagkatapos kong basahin ang mensahe at sumakit ang tiyan kakatawa, napagtanto kong mayroong mas malalim na pakapahulugan ang pagpapatong ng dalawang Lego™. Sa likod ng “double meaning” na mensahe ay mayroong mga bagay na puwedeng matutuhan sa pagpapatong ng dalawang Lego™. Inihalintulad ko ang piraso ng Lego™ sa tao, at narito ang talinhaga ng magkapatong na Lego™.

Ikaw ay parte ng isang kabuuan. Walang Lego™ ang binibili sa tindahan na iisang piraso lamang. Lagi siyang may kasama. Hindi makakabuo ng pigura kung iisa lamang.

Gayundin, walang tao ang nilikha para sa sarili lamang. Sabi nga ng gasgas na sawikain, “No man is an island.” Ang tao ay parte ng isang kabuuang tinatawag na sangkatauhan. Kailangang makipagkapwa-tao. Tayo ay konektado sa isa’t isa. Hindi dapat maging makasarili. 

Kagaya ng isang Lego™, walang kuwenta ang isang tao kung hindi siya makikipagkapwa-tao. Kung paanong walang kuwenta ang isang Lego™, gayundin naman, walang kuwenta ang isang tao kung hindi siya makikipagkapwa tao at kung hindi niya iisipin na parte siya ng isang kabuuan. 

Kailangan kang pumatong para makabuo. Hindi ito linya ng X-rated na pelikula ni Pepsi Paloma. Isa lamang itong pagkukumpara sa dapat na gingawa ng mga tao na katuladng ginagawa ng mga Lego™ (hindi ‘yung iniisip mo) – ang pagpatong at pagpapapatong, at sa atin, ang pakikipagkapwa-tao. Sa mas malalim na pakapahulugan, ang pagkakaroon ng mga kaibigan. Kailangang “pumatong” upang magkaroon ng mga tunay na kaibigan. 

Natural sa tao ang magkaroon ng mga kaibigan. Marami ng mga tao at marami na ring manunulat ang nagpatotoo ng kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na kaibigan. Kaibigang lagging nariyan upang makinig, upang magpaalala, upang makiramay, upang makasama sa hirap at ginhawa, upang maging kalakbay natin sa buhay na ito. 

Hindi ko lubos maisip ang buhay ng isang taong walang tunay na kaibigan. Handa ka bang pumatong at magpapatong upang makabuo ng malalim at tunay na kaibigan?

May mga pagkakataong kailangan kang kalasin sa pagkakapatong. Hindi sa lahat ng paagkakataon ay magiging matatag at malalim ang isang pagkakaibigan. May mga bagay – katulad ng pagkasira ng tiwala at pagtataksil – ang wumawasak sa isang pagkakaibigan.

Katulad ng paglalaro ng Lego™, mayroong kumakalas o tinatanggal sa pagkakapatong. Ngunit dapat nating alalahanin na may mas magandang plano kung bakit kinakalas ang isang pagkakaibigan katulad ng pagkalas sa isang Lego™: May mas magandang plano para sa magkakaibigan. May mas magandang imaheng bubuuin kaya kinakalas at binubuong muli ang Lego™. 

Tungkol naman sa pagkawala ng tiwala, ang tanging paraan lamang upang maging mapapagkatiwalaan ang isang tao ay ang pagkatiwalaan siya ng paulit-ulit kahit ilang beses siyang magkamali. Hindi natin alam, baka balang araw, katulad ng ibang Lego™, ay magpatong kayong muli at mabuo ang nasirang pagkakaibigan. 

Mayroong naglalaro ng Lego™. Kung paanong hindi hawak ng bawat piraso ng Lego™ ang mangyayari sa kanila, gayundin, hindi natin alam ang ating mga kahihinatnan. Mayroong Diyos na siya lamang nakakaalam kung anong mabuti at magandang pigura ang nararapat sa atin.

Ngunit hindi katulad ng mga batang binabalewala ang kanilang mga laruan kapag ito’y napagsawaan na, Siya ay hindi nagsasawa sa pagbuo ng magandang pigura. Lagi Siyang may magandang plano ara sa atin.

Hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan kang ipatong. May mga pagkakataong hindi ka makakasama sa gagawing pigura. Sa paglalaro ng Lego™, hindi palaging nagagamit ang lahat ng piraso sa pagbuo ng isang pigura. 

Gayundin, may pagkakataong kailangan kang ihiwalay sa nakararami dahil hindi makakabuti kung isasama ka sa iba. May mgapagkakataong sa tingin natin sa ating sarili ay mag-isa, napagkaisahan, at walang kuwenta. Ngunit ito ay paghahanda lamang para sa susunod na maganda at mabuting bagay para sa atin. Katulad ng isang Lego™, ang pirasong hindi nagamit ay magagamit ulit sakaling bumuo ulit ng panibagong pigura.

Ngayon ay alam ko na ang aral sa pagpapatong ng dalawang Lego™. Handa ka bang pumatong at magpapatong para sa magandang samahan? Gusto mo rin bang maglaro ng Lego™? Nawawala pa rin ang luma kong Lego™, at gusto kong bumili ng bago.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s