>In Memoriam (Mendiola Massacre)

>January 22, 1987 – Naganap ang isa sa pinakamarahas na dispersal ng mga demonstrador na magsasaka na humihingi lang sa Bagong Pamahalaan ng ganap na reporma sa lupa.

Namatay ng hindi man lang nakikita ang liwanag ng katarungan at solusyon sa ilang dekada na nilang ipinaglalaban.

Namatay ng walang katuturan dahil makalipas ang dalawampung taon, inutil pa rin ang sistema at wala pa ding ganap na matinong programa para sa reporma sa lupa. Sabi nga noong mga kaibigan kong Manunulat sa Wika ni Uncle Sam, they died in vain.

Isang malaking pag-uuyam na ang pangulo noong panahong iyon ay isa sa mga Panginoong may Lupa. Nabibilang sa pamilya na pinapatakbo pa rin ng sistemang feudal. Sistemang ilang dekada ng gustong ipabuwag ng mga pobreng magsasaka. Sistemang patuloy na nagpapahirap sa mga magsasaka.

Dalawampu’t tatlong taon ang lumipas, wala pa ring hustisya. Wala pa ring kasagutan. Inutil pa rin ang sistema. Sa aking opinyon, magpapatuloy ang ganyang sistema hangga’t may pinoprotektahang interes ang mga nakaupo sa puwesto – na karamihan naman ay mga Panginoon ding may Lupa.

Dalawampu’t tatlong taon ang lumipas, panibagong mga Magsasaka ang isinilang. Ngunit hindi sila nakikibaka para maangkin ang lupang ilang taon na nilang sinasaka. Hindi sila nagpapagal na magsaka sa ilalim ng tirik na init ng araw para sa kanilang ikabubuhay at upang tayo ay may makain. Hindi sila nagmamartsa at nagha-hunger strike para kalampagin ang mga opisyal. At hindi sila binabaril na parang mga itik sa isang madugong dispersal.

Sabi ng kaibigan ko, sila day ay mga “Frustrated na Magsasaka.”

Farmville.

Sana sa paglalaro mo ng Farmville, maalala mo ang labintatlong (13) pinatay sa Mendiola at ang libo-libong mga Tunay na Magsasaka na patuloy pa ring nakikibaka sa kanilang karapatan ng pagmamay-ari sa lupa.

Sana sa pagbibigay mo ng gifts sa mga kapitbahay mong kapwa frustrated na magsasaka, at sa pagtulong para ma-fertilize ang kanilang mga pananim, makatulong ka rin sa mga Tunay na Magsasaka kahit sa iyong mumunting paraan.

Parang tanga lang isipin, na tuwang-tuwa ang mga frustrated na magsasaka kapag tumaas na ang iyong level at experience, o kapag nakabili ka ng mga Villas, e iyon naman ay isang virtual na programa. Hindi tangible. Hindi maibebenta. Hindi mapapakinabangan. Inner happiness lang. Pasensya ka na, Utilitarian at Pragmatist kasi ako paminsan-minsan. Kanya-kaniyang trip lang.

Minsan nga, nanalangin ako sa Panginoong Zynga na dapat ay may bagyo sa Farmville at hindi lang palaging fine weather para maranasan naman ng mga virtual na magsasaka ang panlulumo ng mga tunay na magsasaka na sinalanta ng mga nagdaang bagyo ang mga pananim. Hindi naman niya ako pinakinggan. Kulang pa daw kasi ang XP ko.

Dadating ang panahon na mapapalitan na ang Facebook. Mawawala sa uso ang Farmville [Hindi imposible yun. Yun ngang Friendster na sinasamba natin noon, ibinaon na natin sa limot, eto pa kaya?] pero hindi pa din tapos ang paghihikahos ng mga Tunay na Magsasaka hangga’t makasarili ang nagpapatakbo at inutil ang pinapatakbong sistema.

Hindi lang labintatlo ang mamamatay sa dispersal.

Marami pa rin ang maya’t mayang magma-martsa at magha-hunger strike.

Marami pa ring magsasaka ang mamamatay ng hindi nasisilayan ang liwanag ng hustisya at solusyon sa ilang dekada na nilang ipinaglalabang pagmamay-ari sa lupa.

Marami pang dapat ayusin. Marami pang dapat gawin. Pero hindi mangyayari iyon hangga’t nakaupo ang karamihan sa harap ng computer at nagtatanim.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s