Ang Pagpaparaos ni Eros

” ‘Miss, mayroon na ba kayong kopya ng Wag Lang Di Makaraos?’, tanong ko sa isang assistant ng book store. ‘Saglit lang po Sir’, magalang niyang tugon. Sa tabi ko ay may isang matandang babae na malamang ay nasa sisenta anyos, salubong ang kilay at nakatingin sa akin. ‘Ang bastos naman ng librong hinahanap ng batang ‘to’, ang na-imagine kong malamang ay naglalaro sa kanyang isipan noon.”

________

Ika-18 ng Nobyembre ng nakaraang taon, sa tulong ng Facebook, nang una kong malaman na may bagong librong ilalabas ang isa sa pinakamahusay na manunulat ng ating panahon – si Ginoong Eros Atalia.

Halos isang buwan akong nagpabalik-balik sa bookstore sa isang mall sa bayang sinilangan ni Gat Jose Rizal (Clue: Paboritong puno ng may-ari ng mall ang pine tree.) upang maka-iskor ng pinakabagong obra ni Ginoong Atalia. Dumating pa nga sa punto na iniwanan ko na ang aking mobile number sa logbook nila at ite-text na lang daw ako kung may dumating ng libro.

Pero mailap ang libro. Kung hindi sold-out, palagi namang out-of-stock. Pero kailangan kong magkaroon ng libro. Kailangang mairaos ang pagnanasang gahasain muli ang mga letra, pangungusap, at pamatay na mga kuwento ni Ginoong Atalia.

At nakaraos nga. Ika-29 ng Disyembre ng nakaraang taon nang sa wakas ay makabili ako ng libro. Kaisa-isa na lamang kopya sa book store. Suwerte.

 

image

 

Ang Wag Lang Di Makaraos ay naglalaman ng isandaang (100) dagli at nahahati sa sampung (10) kabanata o tema. May tungkol sa kamatayan, mga kababalaghan at mga nakakatakot na nilalang, trahedya, mga kuwentong bata na hindi talaga pambata, at iba pang mga kuwentong ng pang-araw-araw na buhay.

Hindi ito ang unang libro kung saan nagsulat ng mga dagli si Ginoong Atalia. Matatandaang may ilang mga dagli sa kaniyang ikalawang librong Peksman [mamatay ka man] Nagsisinungaling Ako [at iba pang kuwentong kasinungalingang di pa dapat paniwalaan].

Ngunit ano nga ba ang dagli? Ito ay isang anyong pampanitikan na maihahalintulad sa maikling kuwento. Walang nakatitiyak sa angkop na haba ng isang dagli ngunit sinasabing hindi ito aabot sa haba ng maikling kuwento. Tinatawag ito sa wikang Ingles na flash fiction o sudden fiction. Naihahambing din ito sa proto-fiction o micro-fiction.

Sa katunayan, ang mga dagli na nakapaloob sa Wag Lang Di Makaraos ay umaabot lamang ng isang pahina – mahaba na ang dalawa’t kalahati – ngunit nandoon ang kabuuan ng istorya at ang dating at emosyon na iiwanan nito sa mga mambabasa. Dahil magaang basahin ang libro, natapos ko ito sa isang upuan lamang. Ngunit patuloy akong binabagabag ng ilang kuwento matapos ko itong basahin at kahit makailang ulit ko pa ulit itong basahin.

Ika nga ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Ginoong Bienvenido Lumbera sa kanyang blurb, “Magaang basahin, kung matinik ay malalim”. May kaniya-kaniyang sundot, kurot, at kiliti ang bawat dagli.

Simple ang pagkakalahad ng mga kuwento ngunit nandoon ang lakas ng dating na iiwanan nito sa mga mababasa. Ilan sa mga istoryang nakapagbaon sa akin ng ‘tinik’ ay ang mga kuwentong Si Ma’am Kasi, Sabi Ko na nga Ba (at ang wasak na ‘Pokpok Material’ na t-shirt), Superhero, Petition, at Manghuhula.

Isa pa sa mga aspektong hinangaan ko sa libro maliban sa husay ng pagkakalikha ng mga istorya ay ang lawak ng pag-iisip ng may-akda upang makalikha ng isandaang dagli na may iba’t-ibang tema at istorya. Hindi madali ang gumawa ng isandaang istorya na may kaniyang sariling ‘buhay’.

May isa lamang akong puna sa naturang libro. May isang istorya doon – angA, Ganon Pala ‘Yon – ang matagal ko nang naririnig bilang isa sa mga ’kuwentong barbero’ bago pa man ito mailathala sa libro. (Hindi ko lang alam kung si Eros din ang may akda nito. Isa din kasing manunulat sa tabloid si Ginoong Atalia.)

Sa kabuuan, bagamat bitin ang isandaang dagli, nakiliti, nasundot, at nakalikot ni Eros ang aking imahinasyon bilang isang mambabasa. Sa kaniyang mahusay na paglalahad ng mga istoryang may gulat sa huling mga bahagi, masasabi kong ayos na. Nakaraos na. Napagbigyan na ako bilang isang masugid na mambabasa ng mga kuwentong nakatago sa kasuluk-sulukan ng kanyang malikot na utak. Isang pagpaparaos bilang paghahanda sa mga bitin niyang kuwento sa mga una niyang librong nabasa ko.

At napag-uusapan na din lamang, narito ang susunod niyang librong harinawa’y makapagbigay-linaw sa mga bitin na istorya ng mga karakter na nauna nating nakilala sa mga naunang aklat ni Ginoong Atalia – It’s Not that Complicated: Bakit Hindi Pa Sasakupin ng mga Alien ang Daigdig sa 2012.

 

image

 

Pamagat pa lang, pamatay na. Pamatay na sa haba. Ano kayang nilalaman nito? Ayon sa ilang excerpts na nababasa ko (mula sa Facebook account ni Ginoong Atalia at ilang mga posts mula sa mga kapuwa ko tagahanga), malamang ay sequel ito ng drama ni Intoy at ang pangungulila niya kay Jenn. At kritisismo sa mga babaeng nagpapadala ng bag nila sa mga lalake.

Walang katiyakan kung kailan ito lalabas (balita ko ay ngayong Abril daw) pero habang wala pa, halika, samahan mo muna akong magparaos…kasama ang mga naunang obra ni Ginoong Eros Atalia.

Maraming salamat sa mga kuwento. Maraming salamat sa pagpaparaos ni Eros.

Iba pang mga Bagay:

Wag Lang Di Makaraos: Eros Atalia’s New Book

I have been glued on the news websites and on Twitter all day, waiting for the next chapter of the Arroyo Saga. And the recent, successive events of this day that led to the arrest of our former President Gloria Macapagal-Arroyo made me look for something more interesting than Politics.

My journey into the depths of cyberspace led to stalking, er, checking myfriends’ Facebook pages.

And I ended up looking at Professor Eros Atalia’s profile.

Blame it to the evil ticker of Facebook which made observing (I repeat. Observing, not stalking.) easier. Or the news feed. When I saw Eros Atalia’s profile picture has been changed, and it looked like a cover of a book, a new book, I immediately checked his page.

Lo and behold! He’s releasing a new book! And it’s entitled ‘Wag Lang ‘Di Makaraos 100 Dagli (Mga Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay)’.

It has been two years since he gave us the love story of Intoy and Jen on Ligo na U, Lapit na Me and I can’t wait for another story/stories that he has to offer.

On his Facebook wall, he posted this details for the launching of his latest book:

Launching ng “Wag Lang ‘Di Makaraos 100 Dagli (Mga Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay)” sa Thomas Aquinas Research Complex (TARC) Auditorium , University of Santo Tomas sa November 28 (Monday), 2011; 12 nn-3pm. Panauhing pandangal ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura na si Bienvenido Lumbera, kasama ang Dekano ng UP Mass Communication na si Roland Tolentino, Jun Cruz Reyes, Efren Abueg at mga kaibigan, kapanalig at katanguan sa panulat at panitikan. Kita-kits.

I have another reason to envy the Thomasians, especially his (past and present) students. I may not be able to go to his book launch but I am sure as Gloria spending the rest of her life in jail that I will buy this book.

Are you excited for his new book? Mabuhay si Eros Atalia!

Wait, you don’t know him? Then it sucks to be you. Peace out!

Elsewhere:

Ang Paghanga ko kay Eros Atalia (na Mas Pinainit pa ni Mercedes Cabral)

Nagkakilala kami ni Eros Atalia noong nasa Kolehiyo ako. Yung roommate ko, bumili ng libro na may guwapong manong sa cover. Tapos, tawa na siya ng tawang mag-isa kahit dis-oras na ng gabi at nag-aaral ako ng mga kalokohan nina Nietzsche at Marx. Dahil senior ako sa kanya, wala siyang nagawa kundi ipahiram sa akin ang libro.

Ang pamagat ng libro, Peksman (Mamatay Ka Man) Nagsisinungaling Ako (At iba pang mga Kuwentong Hindi Dapat Paniwalaan).

Tapos sinabi ko noon sa sarili ko, “Sa wakas! May bago na naman akong susubaybayang manunulat. Hindi pa pa-misteryoso at hindi nagtatago ng mukha katulad noong idol ng mga kids”. Bob Ong yata ang pangalan noon. (At para sa kabatiran ng lahat, mas nauna kong minahal sina Nick Joaquin, Cristina Pantoja-Hidalgo at Lualhati Bautista kumapara kay Bob Ong. Hindi mo sila kilala? Weh? Magaling yung mga yun.)

Lumipas ang mga buwan, nagtapos ako sa Kolehiyo. Binalak ko noong seryosohin ang pagsusulat. Pero mahirap na karera iyon. Kaya humingi ako ng tulong kay Eros Atalia. Nag-email ako sa kanya ng mga sample kong blog posts. Sinabi kong isa siya sa mga inspirasyon ko. Mabait naman siya at nag-reply. Titingnan daw niya kung magagamit niya ang mga isinulat ko sa klase niya sa UST.

Hindi ko na alam kung nagamit nga ni Sir Eros ang mga materyales ko. Pero katulad ng sinabi niya sa aking payo, hanggang ngayon ay patuloy pa din akong nagusulat, nangangarap, nag-aasam na isang araw ang mga gawa ko’y mailathala’t maging aklat. At friends pa din kami ni Sir Eros hanggang ngayon.

Sa Facebook.

Isang araw, habang nagliliwaliw ako sa Friends for Sale sa Facebook, nakita kong nagpalit ng profile picture si Sir Eros. At yun yung pangatlo niyang libro na Ligo na U. Lapit na Me.

Dali-dali akong pumunta noon sa pinakamalapit na National Book Store para bumili ng kanyang obra. At muli, hindi na naman nasayang ang pera at panahon ko kay Sir Eros. Hindi niya binigo ang aking expectations katulad ng pagkabigo sa akin ni Kapitan Sino.

Kahit medyo hindi pambata ang laman ng ikatlo niyang libro, suwak pa din sa aking panlasa. Ibang magkuwento si Sir Eros. Tila katabi ko lang sina Intoy at Jenn habang sila’y nagmo-MOMOX. Tila kasama ko sila sa kuwarto ng motel. At tila kasama kong sumuka sa loob ng bus si Intoy. Ay oo nga pala, sumuka din ako dati pero sa loob ng jeep na biyaheng UPLB.

Hindi ko lang alam kung natatandaan pa ako ng mga kasabay ko noon. At kung may nasukahan ako. Pilit ko pa rin iyong ibinabaon sa limot.

Lumipas ang mga panahon, medyo madami na din ang naisulat ko, dumami ang mga tagasubaybay ng blog, may iilang mga masugid na nagbabasa (mga less than 40), at patuloy pa ding nangangarap.

Tapos isang araw, nakita ko sa cellphone ng kapatid ko ang isang poster ng pelikula na ginawa niyang wallpaper. Muntik na akong mapa-somersault sa tuwa (Ay de leche! Hindi pala ako marunong noon). Yung paborito kong libro ni Eros, gagawing pelikula na kasama sa Cinemalaya.

Tapos ang gaganap pang Jenn, yung bago kong crush. Hindi si Julia Montes. Hindi pa siya puwede para sa role na ‘to. Si Mercedes Cabral. Ang sinasabing reyna ng Philippine Indie Films. Siya daw ang Babaeng Coco Martin. Langya sa title!

Tapos kasama pa sina Mel Kimura, Simon Ibarra (Astig! Noli Me Tangere-inspired ang pangalan), Shalala, Beverly Salviejo, Joseph Bitangcol at marami pang iba.

Excited na akong panoorin ‘to. Kaso, ang Cinemalaya, nasa Metro. Kaya good luck na lang sa akin sa pag-iskor ng tiket, pagnakaw ng libreng oras, at diskarte sa pamasahe at biyahe para mapanood ito.

Kung hindi man, sana ay maglabas ng DVD. Yung orig ang bibilhin ko. Pramis. Nagbagong buhay na ako. Hindi ko ito-torrent ‘to.

Maglalabas na ng pelikula base sa libro ni Eros Atalia, pero yung una niyang librong Taguan Pung, hindi ko pa rin mahagilap. Nagpunta na ako noon ng UST pero bigo akong maka-iskor ng kopya. Ikaw? Alam mo ba kung saan ako makakabili noon?

At para sa kabatiran ng lahat, hindi ko naman isinusumpa si Bob Ong. Mahabang panahon din ang pinagsamahan namin. Sa katunayan nga, naging manunulat at direktor ako noong isinadula namin sa entablado ang libro niyangMcArthur. Ang punto ko lamang, mga kids, hindi lang siya ang Pilipinong may panulat. Maghalungkat kayo sa mga aklatan at bookstore para sa ilan pa nating mga kababayang may bayag sa pagsulat.

At inaanyayahan ko kayong manood mamayang gabi ng Brigada sa GMA News TV channel 11, ika-8 ng gabi. Meron silang feature para sa mga Pinoy na manunulat. Kasama sina Eros at Bob.

Masuwerte ang mga (naging) estudyante ni Sir Eros sa UST dahil meron silangfirst-hand experience sa taong hinahangaan ko. Pero para sa akin, sa pamamagitan ng kanyang mga libro, para na ring naging estudyante niya ako.

At yun naman ang technique para magtagumpay sa buhay – ang maging estudyante, ang maging tagahanga, ang maging tagasunod at hindi ang pagsasabing “ganap at kumpleto na ako” dahil ika nga, learning is a lifelong process. Nuks. Cliche na cliche!

Sana ay makita ko na sina Intoy at Jenn sa pinilakang tabing. At si Mercedes Cabral.

Mabuhay ang obrang malaya! Mabuhay ang sining nating mga Pinoy. Padayon!